Zhigulin, 2 pang Kazakh markado ng Team ‘Pinas

Ang Kazakhstan trio nina Alex Zhigulin, Anton Bykov at Rustam Murzagaliev ang nambulaga sa Team Pilipinas noong Nov. 30 sa fifth window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers.

Natahimik ang home crowd sa MOA Arena, Pasay nang silatin ng Kazakhs ang Filipinos 92-88.

Pasabog si Zhigulin ng 30 points sa likod ng anim na 3-pointers. May sahog pa siyang 7 rebounds, 2 assists at 1 steal.

Bago ang larong ‘yun ay nag-a-average lang ang Kazakhstan 6-foot-8 center ng 6.9 points.
At hindi lang si Zhigulin ang umangas.

Halos double-double ang produksiyon ni Bykov na 20 points, 9 rebounds at may 2 steals pa. Solido si playmaker Murzagaliev sa ikinalat na 11 points mula sa tatlong 3s at namigay ng 6 assists.

Markado na silang tatlo sa huling laro ng Pinoy quintet sa final window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Dadayuhin ng Filipinos ang Steppe Wolves sa Astana sa Feb. 24.

Krusyal ang huling dalawang laro ng Pilipinas sa final window – una laban sa Qatar kagabi. Kailangan nilang ipanalo para magkaroon ng tsansa sa World Cup tournament proper sa China sa Agosto.