Sa pag-uumpisa ng Rio Olympics kahapon, naisip ko na naman ang Zika virus.

Ito iyong dala ng lamok na kapag nakakagat ay pusibleng maapek­tuhan ang ipapanganak ng isang buntis.

Pag lalaki ang nakagat, malamang mailipat niya ang Zika virus sa babaing kanyang katalik.

Abnormal ang tinamaang sanggol ng virus dahil maliit sa normal ang ulo nito.

Maraming superstars ang umatras sa Rio Olympics at marami sa kanila’y galing sa golf, basketbol at tennis.

Sa atin din ay uma­yaw sa Rio ang golfers na sina Angelo Que at Dottie­ Ardina.

Tulad ng kapareho nilang umatras, idinahilan din nina Que at ­Ardina ang Zika.

Nasabi ko na ito: ­Huwag silang sisihin.

Una na’y ang tanong: Ano ba ang mas maha­laga, kalusugan o kara­ngalan?

Nagbigay-dangal ka nga marahil sa bansa dahil sa medalya pero kapalit ay kalusugan, paano­ na iyan?

Di ba’t ang kasabihan ay ganito: Kalusugan ay kayamanan?

Maski siguro may medical insurance ang mga atleta sa Rio Olympics, marami pa ring takot tulad nina Que at ­Ardina.

Ang masaklap kasi sa Zika: Ang virus ay buhay sa iyong katawan ng ilang linggo. Sa mga may asawa — lalaki o babae — ­sobrang delikado.

Sa oras na may tamaan, ano kaya ang reaksiyon ng mga opisyal ng International Olympic Committee (IOC)?

Sana naman ay walang tamaan. Ipagdasal natin.

Kawawa na ang atleta, prublemado pa ang IOC.