Maraming hindi tiwala sa kanyang kakayahan, marami ang tumutuligsa, ngunit ilang laro pa lamang ay pinapatunayan na ni New Orleans Pelicans Zion Williamson kung bakit siya ang naging No. 1 overall draft pick.

Sa kanyang unang laro sa preseason ng NBA, tumapos ito ng 16 points, 7 rebounds, 3 assists at tatlong steals.

Hindi pa man nakakapaglaro sa NBA, ilang kritisismo na ang ibinato kay Zion na sinasabing magiging ‘bust’ ito gaya ng ibang No. 1 overall pick dahil sa timbang nito at kulang sa shooting.

Batikos pa rito ay hindi ito makapambu-bully sa playing court sa NBA gaya ng ginagawa nito noong high school at isang taon nito sa Duke University.
Sa kanyang ikalawang laro, muli nitong binasag ang mga kritiko at sa loob ng 26 minuto ay nagtala ng 29 points na may isang mintis lamang, sumahog ng 4 rebounds at 4 assists.

Inihahalintulad ito kay 2013 NBA first overall pick Anthony Bennett. Ngunit sa kanyang bilis at laki, siguradong magiging mapanganib ang Pelicans dahil ipinares pa ito sa isang mahusay na playmaker na si Lonzo Ball.

Sa aking palagay, hindi man makatuntong ng playoffs ngayong taon ang kanilang batang roster, siguradong dalawa hanggang tatlong taon lang ay katatakutan ang Pelicans.

Dagdag pa na ang pagiging shooter ay napagpapraktisan. Si Ben Simmons nga kinaya, si Zion pa kaya?
***

Kung kayo po ay mayroong reaksiyon o balak itanong, mag-email lamang sa alecpaolo2016@gmail.com.

Patuloy niyo rin pong suportahan ang online show ng Abante, ang Sportalakan, tuwing Martes alas-sais nang gabi sa Abante News Online.
Maraming salamat po!

Attachments area