Simula nang sabihin ni US President Donald Trump na kakalas ang Estados Unidos sa kasunduan sa Rusya kaugnay sa Intermediate-Range Nuclear Forces Treaty (INF), ang mga bansa sa daigdig ay nagsimulang magplano para sa kanilang depensa.

Ang pagkalas ng Washington sa tratado ay muling inilagay ang mundo sa panganib.

Ngayon pa lamang ang tinatawag na ‘international security and strategic stability’ ay nagalaw. Ang mga bansa sa Europa lalo na ang mga kasapi ng NATO o North Atlantic Treaty Organization ay nabulabog. Ang katatagan na tinamasa o ang ‘security blanket’ na umiral resulta ng pagtatapos ng ‘cold war’ ay malamang na mawala.

Ganito rin ang nangyayari sa iba pang rehiyon tulad sa Asya at Pasipiko.

Ang Japan kamakailan lamang ay nag-anunsiyo na bibili ng modernong fighter jets – fifth generation F-35.

***

Sa pagkalas ni Uncle Sam sa tratado maipagpapatuloy na ng Pentagon ang paggawa ng ‘intermediate range missile’ na hindi nagawa sa nakalipas na 30 taon.

Ilang mga observer ang nagsabi, sa oras na magawa ito ng Estados Unidos ang mga ‘missile’ ay idedeploy sa Southeast Asia.

Isa lang ang pakay- China.

Para bigyang katwiran ang ‘missile dep­loyment’ sa udyok ni Uncle Sam, ang tinatawag na ‘territorial dispute’ ay paiigtingin sa rehiyon, partikular sa South China Sea.

Kapag tumaas ang tensiyon madaling makukumbinsi ng Estados Unidos ang matagal ng kaalyado sa rehiyon tulad ng Pilipinas at Singapore para payagan ang ‘dep­loyment’ ng ‘missile’ sa kanilang teritoryo.

Ang Pilipinas ay mayroong Mutual Defense Treaty sa Estados Unidos at sa pamamagitan ng EDCA o Enhance Defense Cooperation Agreement ang ‘missile’ ng mga kano ay maaring ilagay sa anumang kampo ng mga sundalong Pilipino.

***

Kapag nagkataon hindi maganda ito para sa Pilipinas. Magkakaroon ng negatibong implikasyon ito sa mataas na lebel o antas ng relasyon ng Manila at Beijing.

Ang Pilipinas bilang responsableng miyembro ng ‘international community’ ay hindi dapat pumayag na magamit ang alin mang bahagi ng teritoryo nito bilang lunsaran ng mapaminsalang armas laban sa alin mang miyembro ng ‘world community.’

Bilang ‘founding member’ ng Association of Southeast Asian Nations o ASEAN, dapat igiit ng Pilipinas ang prinsipyo ng ‘zone of peace’ sa rehiyon, malaya sa mapaminsalang armas tulad ng ‘intermediate missile.’