Zoren at Carmina, nag-away sa selfie

EWAN kung nagbibiro si Zoren Legaspi sa presscon ng Till I Met You, pero kahit sumama raw ang misis niyang si Carmina Villarroel sa Greece taping nila ay hindi pa rin daw sila ‘nakabuo’.

Malabo raw masundan ang kambal nilang sina Mavy at Cassy dahil may ‘third wheel’ daw na naging ‘hadlang’ para magkaroon sila ng intimate moments sa bansang pinuntahan.

Ang tinutukoy ni Zoren na ‘third wheel’ ay si Angel Aquino na co-star din nila sa Till I Met You na nag-pilot telecast na kagabi sa ABS-CBN primetime.

Kasama raw kasi nila sa kuwarto si Angel.

Tawa nang tawa sina Carmina at Angel sa ipinahayag na ‘yon ni Zoren.

Actually, pinilit lang daw ni Zoren si Carmina na sumama sa taping nila sa Greece.

Kahit kasi parte ng cast ng nasabing tele­serye ang misis niya, wala namang mga eksena si Carmina sa Greece.

“Noon pa kasi gusto ni Mina na pumunta ng Greece, kaya sabi ko sa kanya, sumama na siya at least pamasahe na lang niya ‘yung gagastusin namin. Noong una, ayaw sana niya, pero napilit ko rin, sumama na rin siya sa amin.

“Pero may ‘third wheel’ kami, si Angel, kaya hindi rin kami ‘nakabuo’ sa Greece,” tatawa-tawang pahayag ni Zoren na kahit 40 something na ay cute pa rin lalo na at lumalabas ang sungki niya.

Bilib si Zoren sa ka-sweet-an ng mga bidang sina James Reid at Nadine­ Lustre habang nagte-taping sila sa Greece, pero wala raw tatalbog sa ka-sweet-an ng mga direktor nila na sina Antoinette Jadaone at Dan Villegas.

Zoren Legaspi
Zoren Legaspi

Sumama kasi si Direk Dan sa Greece at siya na ang nagsilbig second unit director kapag may ibang mga artistang hindi kasama sa main unit na puwedeng kunan na.

“Pero bilib ako kay Direk Dan, hindi sila nag-aaway ni Direk Antoinette.­ Kahit inuutusan ni Direk Antoinette si Direk Dan ng mga gusto niya sa mga eksenang kukunan ni Direk Dan, wala talagang pag-aaway ‘yung mag-asawa.

“Kami kasi ni Mina, pagse-‘selfie’ pa lang, hindi na kami nagkakasundo. Nagtatalo na kami. Nag-aaway na kami,

“Pero si Direk Dan, walang reklamo sa mga gusto ni Direk Antoinette,” pagkukuwento pa ni Zoren, na ikinatawa lang ni Direk Antoinette.

***

Marami ang nakakapansin na nahihilig mag-English ang aktor na ito.

Hilig din niyang i-modulate ang boses niya habang nagsasalita at feel na feel niya ang salita ni Uncle Sam.

Ang nakakaloka sa kanya, hindi lahat ng English eh naiintindihan niya.

Sa isang interview, inusisa siya kung ano ang masasabi niya sa kasal at kung dapat ba na magkaroon ng pre-nuptial agreement.

Hindi nasagot ‘yon ni aktor at tinanong talaga niya ang mga nag-iinterbyu sa kanya kung ano ‘yung pre-nuptial agreement?!

Ay, naku, iwasan na kasi ni aktor ang mag-i-English dahil bukod sa sumasabit ang grammar niya, hindi lahat ng mga itinatanong sa kanya in English ay naiintindihan at nasasagot niya kaagad, ‘noh?!

Maging proud na lang siya sa pagta-Tagalog at marami pa ang bibilib sa kanya kesa nagta-trying hard siyang mag-English, huh!