Bumisita sa Malacañang noong Lunes nang gabi ang ilang senador upang makiusap kay Pangulong Rodrigo Duterte na huwag ipitin ang kanilang pork barrel fund.
Isa sa pumasyal sa Palasyo, ayon sa source ng Tonite, ay si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri.
Umaabot daw kasi sa P300 milyong halaga ng proyekto ni Zubiri ang nadamay sa lahatang pag-ipit ni Pangulong Duterte sa mga pork barrel fund ng mga mambabatas.
Sa kabila ng pagla-lobby ng ilang senador, hindi pa rin umano sila nagtagumpay.
Nakapaloob sa 2020 national budget ang P80 bilyong pork na pinirmahan ni Pangulong Duterte noong Enero.
Inakala ng mga senador at kongresista na lusot na ang kanilang pork, pero nagdesisyon ang Pangulo nitong nagdaang araw na ipitin ang paglalabas ng pondong ito.
Nalaman kasi ni Duterte na kinuha ang pork barrel fund sa flagship project niyang Build, Build, Build program.
Ang desisyon ni Duterte ay kinatuwa ng anti-pork solon na si Senador Panfilo Lacson.
“This is one reason why I continue to support the leadership of President Duterte in spite of some disagreements with him over some policy issues: He has time and again displayed the strong political will, even against many self-proclaimed allies in Congress whose loyalty clearly lies where the money lies.” ani ni Lacson.